Pag-unawa sa Pilay ng Galanggalangan
Ang litid ay matibay na hibla ng tisyu na nagkokonekta ng buto sa kapwa buto. Ang galanggalangan ay maraming litid. Kapag ang alinman sa mga ito ay nabanat o napunit, tinatawag ito na pilay ng galanggalangan. Maaaring napakasakit ang pilay ng galanggalangan. Maaari nitong limitahan ang paggalaw at paggamit ng galanggalangan at kamay. Depende sa tindi ng pilay, maaaring magtagal ito ng ilang linggo o mas mahaba bago maghilom ang galanggalangan.

Mga sanhi ng pilay ng galanggalangan
Pinakamadalas na sanhi ng mga pilay ng galanggalangan ang pagkahulog at pagbagsak nang nakadipa ang kamay. Maaaring magkaroon ng pilay ng galanggalangan ang sinuman. Ngunit ang pinsala ay maaaring mas malamang sa mga taong sobrang aktibo o naglalaro ng sports.
Mga sintomas ng pilay ng galanggalangan
Sa panahon ng pinsala, maaari kang makaramdam ng paglagutok o pagkapunit sa galanggalangan. Maaari kang magkaroon ng pananakit, pamumula, at pamamaga. Maaari ka ring magkaroon ng ilang pamamasa. Sa ilang kaso, maaaring kumalat ang mga sintomas mula sa galanggalangan patungo sa kamay. Hangga't hindi naghihilom ang galanggalangan, maaaring maging mahirap na igalaw o gamitin ang galanggalangan at kamay para sa mga karaniwang gawain at aktibidad, lalo na ang pagkapit at pagbuhat.
Paggamot ng pilay ng galanggalangan
Maaaring kabilang sa mga paggamot ng pilay ng galanggalangan ang alinman sa mga sumusunod:
-
Mga gamot na inirereseta o over-the-counter. Makakatulong ang mga ito na mabawasan ang pananakit at pamamaga. Maaari mong inumin ang mga gamot na ito bilang pildoras. O maaari mong ipahid ang mga ito sa balat bilang gel, krema, o pantapal. Ang mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs (mga NSAID) ang pinakakaraniwang gamot na ginagamit.
-
Splint, tukod, o molde. Isinusuot ito upang suportahan ang galanggalangan at pigilang gumalaw ang galanggalangan. Maaari mong kailanganin ito nang ilang linggo o mas matagal, hanggang maghilom ang galanggalangan.
-
Pisikal na terapi at mga ehersisyo. Tumutulong ang mga ito na pahusayin ang lakas, pagkanababanat, at saklaw ng galaw ng galanggalangan at kamay.
-
Operasyon. Maaaring kailanganin mo ang operasyon kung malubha ang pilay. Halimbawa, maaaring kailangan ang operasyon kung ang litid ay napunit o kung ang mga kalapit na tisyu at buto ay napinsala rin. Pagkatapos ng operasyon, kadalasang kakailanganin mong magsuot ng splint o molde nang isang buwan o mas matagal, hanggang maghilom ang galanggalangan.
Mga hakbang sa pangangalaga ng sarili
Maaari ka ring gumawa ng ilang bagay upang makatulong na maibsan ang pananakit at pamamaga. Maaaring kabilang ang mga:
-
Paglimita kung gaano ka gumagalaw at ginagamit ang iyong galanggalangan at kamay
-
Paglalagay ng pakete ng yelo sa napinsalang bahagi
-
Pagpapanatiling nakataas ang iyong galanggalangan at kamay na mataas sa lebel ng puso
-
Pagbalot ng iyong galanggalangan ng nababanat na benda
Mga posibleng komplikasyon
Kung ang pinsala ay hindi naghilom nang maayos, ito ay may mataas na tsansa na mangyaring muli. Maaari ding maging pangmatagalan (hindi gumagaling) ang pinsala. Maaari itong maging sanhi ng nagpapatuloy na pananakit, panghihina, o kawalang katatagan ng galanggalangan. Sa paglipas ng panahon, maaaring magkaroon ng arthritis sa galanggalangan. Maaari nitong palubhain ang pananakit at magdulot ng paninigas at limitadong paggalaw ng galanggalangan at kamay.
Kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng iyong kalusugan
Tumawag agad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:
-
Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan
-
Ginaw
-
Mga sintomas na hindi gumagaling sa paggamot, o lumulubha
-
Kamay o mga daliri na namamanhid o napakalamig, nagkukulay asul o abo, o namamaga
-
Mga sintomas tulad ng pamumula, mainit, pamamaga, pagdurugo, o pagtagas na nangyayari sa lugar ng hiwa. Naaangkop lamang ito kung nagkaroon ka ng operasyon.
-
Mga bagong sintomas
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.