Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pagkatuyo ng Tubig sa Katawan (Bata)

Nangyayari ang pagkatuyo ng tubig sa katawan o dehydration kapag nawala ang labis na likido mula rito. Maaari itong mangyari mula sa matagal na pagsusuka o pagtatae, o habang may mataas na lagnat. Maaari din itong sanhi ng kaunting pag-inom ng likido sa mga panahon na maysakit. Kasama sa mga sintomas ang pagkauhaw, pagkahilo, panghihina, at pagkapagod, o pagkaantok. Dapat mapalitan ang mga likido sa katawan ng oral rehydration solution (ORS). Mabibili mo ito sa mga botika at sa karamihang tindahan ng grocery.

Bantayan ang iyong anak para sa mga palatandaan ng pagkatuyo ng tubig sa katawan, kasama ang:

  • Tuyong bibig

  • Labis na pagkauhaw

  • Nabawasang dami ng ihi

  • Kaunti ang luha kapag umiiyak

  • Nanlalalim na mga mata

  • Labis na pagkaantok o katamlayan

Pangangalaga sa tahanan

Para sa pagsusuka, mayroon o walang pagtatae

Upang gamutin ang pagsusuka, magbigay ng kaunting mga likido nang madalas.

  • Magsimula sa ORS sa katamtamang temperatura. Magbigay ng 1 hanggang 2 kutsarita (5 hanggang 10 milliliter [ml]) kada 1 hanggang 2 minuto. Kahit magsuka ang iyong anak, patuloy na painumin ayon sa itinagubilin. Masisipsip pa rin ng katawan ang karamihang likido. Ang layunin ay magbigay ng 5 kutsarita kada pound o 50 ml kada kilo (ml/kg) sa loob ng 4 na oras. Kung ang timbang ng anak mo ay 20-pound, bigyan siya ng 100 kutsarita ng ORS, o higit lang sa 2 tasa ng likido sa kabuuang 4 na oras.

  • Habang nababawasan ang pagsusuka, magbigay ng mas maraming ORS sa mas mahabang pagitan. Ipagpatuloy ito hanggang sa umiihi na ang iyong anak at hindi na nauuhaw (wala nang pagnanais na uminom). Huwag bigyan ang iyong anak ng karaniwan tubig, gatas, formula, o iba pang likido hanggang sa hindi pa humihinto ang pagsusuka.

  • Kung magpapatuloy ang madalas na pagsusuka ng higit sa 4 oras sa nabanggit na paraan, tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak.

  • Pagkatapos ibigay ang kabuuang ORS, maaaring bumalik sa regular na diyeta ang iyong anak.

  • Siguraduhing hugasan ang mga kamay (gamit ang sabon at malinis na dumadaloy na tubig) o madalas na gumamit ng gel na sanitizer na may alkohol.

Tandaan: Maaaring nauuhaw ang iyong anak at gustong makainom nang mas mabilis. Ngunit kung nagsusuka siya, bigyan lamang ng likido ayon sa iniresetang dami at dalas. Ang ideya ay hindi upang punuin ang sikmura sa bawat pagpapakain dahil magdudulot ito ng mas maraming pagsuka.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o gaya ng ipinapayo. Tumawag kung hindi gumaling ang iyong anak sa loob ng 24 na oras o kung tumagal ang pagtatae sa loob ng higit sa 1 linggo. Kung kinunan ng sampol ng dumi (diarrhea), maaari kang tumawag sa loob ng 2 araw (o ayon sa itinagubilin) para sa mga resulta.

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung mangyari ang alinman sa mga ito:

  • Paulit-ulit na pagsusuka pagkalipas ng unang 4 na oras ng pag-inom ng likido

  • Paminsan-minsang pagsusuka sa loob ng mahigit sa 48 oras

  • Madalas na pagtatae (mahigit sa 5 beses sa isang araw), dugo sa dumi (pula o itim), o uhog sa dumi

  • Dugo sa suka o dumi

  • Namamagang tiyan (abdomen) o mga senyales ng pananakit ng tiyan

  • Hindi umihi sa loob ng 8 oras, walang luha kapag umiiyak, nanlalalim na mga mata, o tuyong bibig

  • Mga abnormal na pagbabago sa ugali, maselan, inaantok, nalilito, o kumbulsyon

  • Lagnat (tingnan ang Lagnat at mga bata, sa ibaba)

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung nagpapakita ang iyong anak ng alinman sa mga sintomas na ito:

  • Hirap sa paghinga

  • Pagkatuliro

  • Masyadong inaantok o mahirap gisingin

  • Pagkahimatay o pagkawala ng ulirat

  • Mabilis na pintig ng puso

  • Kumbulsyon

  • Paninigas ng leeg

Lagnat at mga bata

Gumamit ng digital na thermometer para suriin ang temperatura ng iyong anak. Huwag gumamit ng mercury thermometer. Mayroong iba't ibang uri at gamit ang mga digital na thermometer. Kabilang sa mga ito ang:

  • Sa puwit. Para sa mga batang wala pang 3 taong gulang, pinakatumpak ang temperatura sa puwit.

  • Noo (temporal). Gumagana ito sa mga batang nasa edad 3 buwan at mas matanda. Kung may mga senyales ng sakit ang batang wala pang 3 buwang gulang, maaari itong magamit bilang unang pass. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Tainga (tympanic). Tumpak ang temperatura sa tainga pagkatapos ng edad na 6 na buwan, ngunit hindi bago ang edad na ito.

  • Kili-kili (axillary). Ito ay hindi gaanong maaasahan ngunit maaaring magamit para sa unang pass upang tingnan ang batang anuman ang edad na may mga palatandaan ng sakit. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Bibig (oral). Huwag gumamit ng thermometer sa bibig ng iyong anak hanggang siya ay hindi bababa sa 4 na taong gulang.

Gamitin ang thermometer sa puwit nang maingat. Sundin ang mga direksyon ng gumagawa ng produkto para sa tamang paggamit. Dahan-dahan itong ipasok. Pangalanan ito at tiyaking hindi ginagamit sa bibig. Maaari din itong magpasa ng mga mikrobyo mula sa dumi. Kung hindi ka OK sa paggamit ng thermometer sa puwit, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ang gagamitin sa halip. Kapag makikipag-usap ka sa sinumang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa lagnat ng iyong anak, sabihin sa kanya kung anong uri ang ginamit mo.

Nasa ibaba ang mga patnubay upang alamin kung may lagnat ang iyong maliit na anak. Maaari kang bigyan ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ng iba’t ibang numero para sa iyong anak. Sundin ang mga partikular na tagubilin ng iyong tagapangalaga.

Mga sukat ng lagnat para sa sanggol na wala pang 3 buwang gulang:

  • Una, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung paano mo dapat kuhanin ang temperatura.

  • Puwit o noo: 100.4°F (38°C) o mas mataas

  • Kilikili: 99°F (37.2°C) o mas mataas

Mga sukat ng lagnat para sa batang edad 3 buwan hanggang 36 na buwan (3 taon):

  • Puwit, noo, o tainga: 102°F (38.9°C) o mas mataas

  • Kilikili: 101°F (38.3°C) o mas mataas

Tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan sa mga kasong ito:

  • Temperatura na paulit-ulit na 104°F (40°C) o mas mataas sa isang bata anuman ang edad

  • Lagnat na 100.4° F (38° C) o mas mataas sa sanggol na mas bata sa 3 buwan

  • Lagnat na tumatagal ng lampas sa 24 na oras sa batang wala pang 2 taong gulang

  • Lagnat na tumatagal ng 3 araw sa batang 2 taong gulang o mas matanda

Online Medical Reviewer: Liora C Adler MD
Online Medical Reviewer: Raymond Turley Jr PA-C
Online Medical Reviewer: Tara Novick BSN MSN
Date Last Reviewed: 2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames
Disclaimer